Friday, November 19, 2010

saddle

may balak kaming bumalik sa sagada ngayong disyembre. at dahil sa lumalaming nang panahon at kagustuhan kong makita at maranasang muli ang bulubunduking halina ng sagada, heto muna ang mga larawan sa aming lakad (literal na lakaran) sa barangay batad, banaue, ifugao.

tagtag ang puwet ng sinuman sakay ng jeepney, paakyat sa bukana ng barangay batad. mula sa tinatawag nilang saddle, kailangan ng 40 minutong lakaran patungo sa pusod ng batad. pasado alas-3 na yata nang makarating kami sa ramon's home stay, kaunting meryenda at nagsipaligo na para mapreskuhan ulit. sa ramon's pinili naming matulog sa tradisyunal na kubong ifugao. kaunting inuman pagkatapos ng hapunan at natulog na rin.



kinaumagahan, sumabak kami sa isang nakapanghahapong lakaran patungo sa talong tappiyah. sa paglalakbay na ito, higit na magiging hantad sa bawat manlalakbay ang kagandahan at kadalisayan ng lunan. maaaring may mga modernong istruktura na sa gitna ng barangay, ngunit nananatili pa rin ang kakanyahan at karakter nito.

malamig ang tubig ng tappiyah, bagay sa pagpapalamig ng mga inuming binuhat pa mula sa poblacion ng banaue. siyempre, di kumpleto kung di namin mararanasang maglublob dito, kaya matagal-tagal din kaming nagsipaglunoy. nag-igib ng inumin pabalik sa ramon's at lumarga na sa higit na nakapanghihinang lakad paakyat.

ubos ang anumang lakas ngunit may kakaibang ngiti sa labi, nakarating kami sa ramon's. ang ngiti ay dulot ng ligayang bukod sa nakakita ka ng magagandang tanawin, masasabi mo rin sarili mong napagwagian mo ang takot na dulot ng mga madudulas na daan o mga batong maaaring mahulog sa iyo at ang pagod ng katawang di hutok sa ganitong gawain.

nagpahinga ulit sa ramon's, tanghalian at ligo. di pa tapos ang alay-lakad. kailangan ulit ng 40 minuto upang marating ang saddle, kung saan naghihintay ang dyip pabalik ng poblacion. mas mahirap ang lakad paakyat ng saddle sapagkat dala-dala namin ang aming mga napsak at di pa natatagalan nang matapos ang lakbay sa tappiyah. nang makarating kami sa saddle, ibayong pakiramdam ng tagumpay ang mananahan sa iyo... na-surbayb mo ang batad!

No comments: