Tuesday, July 19, 2011

lintang

tulad ng mga kabuteng bigla na lang sumusulpot tuwing may ulan, lumitaw si lintang bedol pagkatapos ng higit sa 2 taon na pagtatago. si bedol ang tumayong bisor ng eleksyon sa lungsod ng cotabato, kung saan tinambakan ng kampo ni gloria ang oposisyon noong 2007. maanomalya ang resulta ng halalan dito, lalo na ang bilangan ng mga boto. may mga patunay ng katiwalian, pinakamatindi na rito ang 12-0 pagpapataob ng senador na tumakbo sa hanay ni gloria sa mga taga-oposisyon. bukod pa ito sa di mabilang na mga balota at election returns na iisa lamang ang nagsipagsulat at walang kawawaang bilihan ng boto.

di lahat ng umuusbong na kabute ay maaaring pakinabangan, ibayong ingat ang kailangan upang masino ang may saysay mula sa lason lamang ang dala. ganito rin si bedol. di pa matiyak kung bakit bigla itong lumitaw. pakawala ba siya ng mga ampatuan upang malihis ang atensyon sa mabagal na ngang usad ng kaso ng masaker sa mga ito? o di kaya'y may di napagkasunduang kita sa pagitan nila ni virgilio garcillano kaya't isisiwalat na ang anumang nalalaman sa dayaan sa eleksyon? wala pang makapagsasabi kung nagsasabi at magsasabi ng totoo si bedol. ito'y kahit na nga may ilan pang mga opisyal na nagpapatunay sa mga binitiwang pahayag na bedol na may nangyari ngang dayaan noong mayo 2007. at dahil sa mga isisiwalat ni bedol, maaari rin nitong muling buksan ang usapan hinggil sa dayaan noong 2004 sa pagitan ni gloria mismo at ng yumaong fpj.

iimbestigahan na nga raw ito sa kongreso. sana'y di ito ito maging isang sirkus lamang tulad ng mga nagdaang pagdinig sa senado at sa mababang kapulungan. bagamat di na maibabalik pa ang panahon, sa pamamagitan ng masusing paghawak at pagdinig sa usaping ito, maaaring masampahan ng kaso ang mga maysala sa likod ng karumal-dumal at malawakang dayaan sa mga nagdaang eleksyon. ang mapanagot sa batas ang mga indibwal o pamilyang ubod ng kapal ang mukha't walang anumang bahid ng kaba sa panlalamang sa kapwa ang isa sa magiging pamana ng pangasiwaan ni noynoy. sa pamamagitan nito, mababawasan ang kultura ng katiwalian at hari-harian ng iilan at titimo sa isipan ng bagong henerasyon na may pag-asa pa ngang matatawag sa pilipinas.

No comments: