Monday, July 25, 2011

sona

unang taon ni p-noy sa puwesto, pangalawang ulat sa bayan. marami nang eksperto ang pumuna at pumalakpak sa laman ng kanyang talumpati, ngunit para sa akin, isang buwisadong simpleng empleyado, ilang mga bagay ang haylayt at lowlayts nito. eto:

1. di ako fan ng kanyang alegorya sa wang-wang bilang simbulo ng mga nang-aabuso sa bayan. pero sapat itong mensahe upang alisin sa utak ng mga nanunungkulan na di sila sakop ng batas at mawaksi sa mga kukote nila na ligtas sila sa parusa. ngunit sa susunod na taon, dapat wala na ang wang-wang sa kanyang talumpati... nakakatorete na rin.

2. banggit ng mga buwisit na pandarambong sa pera ng bayan, lalo na 'yung pagbili ng mga helikopter sa presyong brand new, katakut-takot na mga bonuses sa mga bosses sa GOCCs at gastos sa kape na umabot ng isang bilyon! pati na rin ang mga nandaraya sa kanilang mga buwis ay dapat ngang habulin ng BIR. upang masawata ang walang habas na paggasta ng mga ahensya ng gobyerno, naghigpit ng sinturon ang pangasiwaan ni aquino magmula pa 2010. pinigilan ang mga maanomalyang proyekto at binusisi ng husto ang bawat pagkakagastusan, lalo na 'yung may kinalaman sa bigas. pagtutok sa mga lugar na gaya ng ARMM, ang pinakamahirap na lugar sa buong bansa ay ok din.

3. mas gusto ko sanang buong pagkalalaki niyang idiniin ang soberanya ng pilipinas sa spratlys, ngunit ayaw din naman nating lumikha ito ng higit na problemang diplomatiko.

4. pero dapat na rin niyang itigil ang mga panakip-butas na proyektong tulad ng pantawid pamilyang pilipino. di nito naaayunan ang pangmatagalang proyekto laban sa kahirapan.

5. tagal nang suliranin ang transportasyon sa bansa, sana nga'y maisakatuparan ang monorail project sa loob ng kanyang administrasyon.

6. ang mapanagot sa katiwalian ang lahat, maging ang nakaraang pangulo, ay una at moral na tungkulin ni p-noy sa mamamayan. sang-ayon ako sa pagtatalaga kay justice conchita carpio-morales bilang bagong tanod-bayan. mukhang di siya magiging tauhan ng malacanang, di tulad ng inutil na si merceditas gutierrez at tiyak na maipapanalo ang mga kasong isasampa sa mga tiwaling opisyal. tama rin siya na kapag hinayaan nating malaya ang mga buktot na indibidwal, hinahayaan din nating lumawak ang galamay ng kasamaan sa lipunan.

7. walang anumang banggit sa freedom of information bill, reproductive health bill at divorce bill. sadya niya yatang iniwasan ang mga isyung ito na naghahati sa bansa. ngunit kailangan pa rin itong dinggin at pagpasyahan. nakasalalay sa mga panukalang ito di lamang ang katiwalian kundi ang kinabukasan ng bayan.

8. walang konkretong binanggit ang pangulo hinggil sa mga OFWs. di rin ganoon kalinaw ang programa ni p-noy hinggil sa kalikasan at pagpapaunlad ng IT sa bansa at kung paanong maitatawid ng mga mahihirap na pamilya ang kanyang programang K-12 sa pampublikong edukasyon.

9. bagamat pumunta siya sa paksa ng negatibismo, parang kulang sa "pagbibigay-inspirasyon" ang talumpati. dahil na rin siguro sa mga hirit sa nakaraang administrasyon, ang talumpati niya ay mas marami sa kung ano ang kanyang inatupag - maglinis at mag-impis ng mga kalat ni gloria. sa gayon, mailagay niya ang lahat ng kailangan upang magsimula ng kanyang mga proyekto.

10. sa kanyang 2012 sona, di na maaaring puro banat ulit kay gloria. kailangan ng konktretong mga proyekto at programa sa maraming sektor ng pamumuhay sa pilipinas. ang unibersal na healthcare at pagpapabuti ng edukasyon sa bansa ang dapat unahin. isang taon pa nga lang ang lumipas kaya't walang rason ang mga kritikong punahin ang sabi nila'y "kawalan ng mga nagawa ni p-noy" ito ang hamon sa kanya sa mga susunod niyang ulat sa bayan.

No comments: