sabi nila, iba talaga ang pasko sa pilipinas. walang katulad, 'ika nga. bahagi nito ang pagbabahay-bahay na pangangaroling ng kung sinu-sinong grupo at mga batang paslit. ngunit sa pagdaan ng panahon, ang dati rating katuwaan ng magkakababata at karoling upang makapag-ambag halimbawa sa parokya ay unti-unti nang nagiging kasangkapan ng mga tamad magbanat ng buto at ang nais lamang ay magkapera sa madaliang paraan.
sa maraming pagkakataon, kasisimula pa lang ng disyembre, umpisa na ang sangkatutak na mga bata sa paglibot sa mga kabahayan. madalas kaysa hindi, patawad at kung anu-anong mga palusot ang sinasabi sa mga batang paslit sa tuwing titirada ng kanilang treydmark na kanta, "sa maybahay ang aming bati… meri krismas na 'mawalhati'…" pabalik-balik lang kasi ang mga ito at tila nagiging hanapbuhay na ng iba. maski pa sabihing barya-barya lang naman ang ibibigay sa mga ito, di magandang ang nagiging kahulugan ng kapaskuhan sa kanila ay "pagkakataon na upang magkapera" at dapat gawin ang lahat upang madapuan ng barya ang kanilang mga palad. nangaroling din ako n'ung bata ako. pero ito'y bahagi lamang ng laro at katuwaan namin ng aking mga kalaro noon. imbis na katuwaan lamang, nauuwi ang karoling sa maagang paghuhutok ng maling nosyon ng mga pinoy na "magkapera nang madalian sa anumang paraan". kapag inabutan ng piso, titigil na agad ang pasigaw nilang kanta… kakanta na ng "tenk yu, tenk yu… ambabait ninyo, tenk yu." sa gayon makarami pa at kapag wala nang nagbibigay, babalik sa bahay na nag-abot ng barya at titirada na naman dahil alam naman nila na di na sila sisinuhin. uulitin ang proseso hanggang lumalim na ang gabi.
ang mga grupo naman ng matatanda, a bente sais na, tuloy pa rin ang pangangaroling. di ba tapos na ang pasko 'pag ika-26 na? di mo tuloy mawari kung may pupuntahan ba talaga ang malilikom na salapi sa punyaging ito o ibubulsa lamang ng bawat miyembro ng grupo. ok ang ibang mga grupo na nangangaroling bilang bahagi ng isang mainam na layunin tulad ng pagpapakain sa mga batang kapuspalad o pagdaraos ng krismas parti sa bahay ampunan o bahay tuluyan ng mga matatanda. ngunit ang gawing hanapbuhay o pantawid-gutom ang pangangaroling ay sadyang balikong pag-iisip at di tamang halimbawa sa mga bata. katulad ng sa mga batang kalye, kapag inabutan mo ang mga ito ng bente pesos, katakut-takot na pintas pa ang aabutin ng may-ari ng bahay. di ba nila nawawari na may kanya-kanya ring suliranin ang bawat pamilya?
nang pumunta ako sa cebu nitong unang linggo ng disyembre, sa mga pampublikong bus naman ang modus operandi ng iba. rap ang himig ng pasko… dalawa lamang ang nangangaroling, tila kinopya ang tambalang boy pik-ap at boy bak-ap ng bubble gang. may sobre ring inililibot. pagkatapos ng di ko naintindihang pa-rap na karoling, titigil pa talaga sa tabi mo ang boy bak-ap para kunsensyahin ang bawat mananakay na "pangkain lang" ang kanilang pakay sa pangangaroling. bagamat walang panlilinlang sa ganitong paraan, di rin nila isinasaalang-alang na ang mga sakay ng bus na 'yun ay di rin naman nalalayo sa kanila sa katayuan sa buhay. higit na marami rito ay nangangamuhan din sa "ciudad" at uuwi sa malalayong bayan sa cebu upang magpalipas ng sabado't linggo.
oo nga't pagbibigayan ang tunay na diwa ng pasko. kaya naman mag-aabot ka pa rin kahit paano. subalit sa hirap ng buhay ngayon, di rin birong halaga ng barya sa mga bata at tig-20 pesos ang mag-abot sa mga may-edad nang nangangaroling. sa kabuuan ng mga nangaroling, marahil aabot sa 90 porsiyento rito, perwisyong tunay ang hatid sa mga may bahay. dilihensya at di paghahatid ng maluwalhating pamaskong himig sa bawat tahanan ang tanging layunin ng mga kakatwang pangangaroling. may mga tunggak pa na pangangatwiran ang ilan na kaysa naman daw magnakaw sila o mangholdap, mangangaroling na lang upang may maiuwi sa pamilya. sa muli't muli, mabilisang pagkakakwartahan pa rin ang iniisip. sa mga dupang na mga pulitiko dapat mangaroling ang mga ito… tutal naman kumakamada ang mga ito ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan. at dahil dito, dapat exempted mula sa mga perwisyong nangangaroling ang mga nagbabayad ng tamang buwis na tulad ko!
imbis na magsumikap at maging kontento sa anumang kinikita at unti-unting magpunyagi kapag may karanasan na, marami sa mga pinoy ang pinipiling samantalahin ang pagkakataon… maging ang pasko, upang magkapera. ang dapat sana'y pagdiriwang at pagsasama-sama ng pamilya at pasasalamat sa nagdaang 12 buwan ay tinutuos sa pamamagitan ng kung magkano ang laman ng iyong bulsa at mga bagong damit. tuwa at musika ang dapat na hatid ng mga himig pamasko… di dilihensya o instant kita. pinoy nga naman.
No comments:
Post a Comment