Monday, October 7, 2013

basketball

kumain ulit ako sa aking paboritong bacolod chicken inasal sa kamagong, san antonio village nitong sabado. kuwentuhan sa kabilang lamesa:

manong na malakas ang boses: pare ‘pag basketbol, di ako nanonood ng PBA! UAAP ako. puso ang labanan at ibibigay ng bawat player ang lahat!

manong na mas mahina ang boses: eh ganoon din naman sa PBA ah.

manong na malakas ang boses: pare, sindikato ang PBA! malaking negosyo. 5 teams diyan san miguel ang may-ari, paano mo sasabihing walang umpukang magde-determine kung sino ang panalo at sino ang talo?

manong na mas mahina ang boses: ganoon talaga, pare. siyempre di naman tatakbo ang liga kung walang financier. parang football lang din ‘yan.

manong na malakas ang boses: pero iba ang kalakaran sa PBA. negosyo nga kaya kailangang may balik sa may-ari. tsaka hanapbuhay nila ‘yan. pasahuran ang mga player. di kagaya sa UAAP, school pride at honor ang labanan. magpapakamatay ang mga player para maiuwi ang championship dahil ‘yun ang inaasahan ng school sa kanila.

manong na mas mahina ang boses: balita ko may sahod din ang mga taga-la sale at ateneo ah.

manong na malakas ang boses: allowance lang ‘yun, pare. sa PBA, sahod talaga. di ka ba nagtataka kung bakit sobrang daming galing na mga player sa ‘pinas pero di tayo manalo-nalo sa FIBA?

manong na mas mahina ang boses: dahil di tayo ganoon katatangkad! hahahaha!

manong na malakas ang boses: hahaha! hindi, pare. may sahod na ang mga malalakas na player sa PBA. bakit pa  siya magpapakamatay para sa pride ng bansa kung ok na siya sa sahod niya sa PBA? eh paano kung ma-injured siya? eh di mabobokya pa ang career niya. sila jaworski at fernandez dati, multimilyon na ang mga kita niyan kaya di na nila ibibigay ang lahat para sa national team. tsaka may mafia na rin na hindi palalaruin ang mga magagaling sa national team dahil nga iwas-injury kumbaga.

manong na mas mahina ang boses: tama rin naman. sa china nga, nakadepende ang suporta na matatanggap ng pamilya mo kapag naiuwi ng team ang any championship kaya papanaluhin mo talaga ang team mo. kumbaga, all out ka. sa ‘pinas, di ganoon eh.

manong na mas mahina ang boses: kaya nga eh. marami kasi talagang gago sa gobyerno. kinukulimbat maski pang-support sa mga athletes. mga putang ina nila. kung sa talent at skills lang, pare, laki ng laban natin. pero kulang nga siguro sa puso kasi siyempre doon ka sa mas siguradong may kauuwian ang effort mo, PBA di ba. kaya UAAP na nga lang panoorin mo!


kakatapos lang kasi manalo ng DLSU laban sa UST sa game 2 ng finals ng UAAP. basketball nga raw ang pambansang libangan ng mga pinoy. mula sa pba, uaap, ncaa at kung anu-anong liga ng bawat barangay. pati nga mga opisina, meron na ring basketbol tournament. kaya naman ganoon na lang ang passion ng marami sa larong ito, maging manlalaro ka mismo o tagapanood lamang.

sang-ayon at sang-ayon ako sa mga pinagsasabi ng 2 manong. malayo sa kalingkingan ng sapat na suporta ang ibinibigay sa mga atleta ng bayan. masuwerte pa nga ang basketbol dahil marami ang haling sa larong ito kaya marami ang tumutulong tulad ni manny pangilinan. pero sa ibang sports, wala ni gasino ang tinatanggap ng mga atleta. paano tayo mananalo sa mga torneo kung maski sapatos na gagamitin ng isang up-and-coming track and field star o ng isang boksingero ay sa sariling bulsa manggagaling? siyempre alam naman natin na mas marami ang mahihirap sa bansa. kahit magaling sa palaro ang isang bata, mapipilitan itong abandonahin ang kanyang naising maging world class athlete kung wala silang makain at kailangan pa niyang kumayod para sa pamilya. sa ibang sitwasyon, umaalis naman ang ibang atleta at nagpapaampon sa mga bansang may mahusay na sports program. maging mahuhusay na mga coaches, nangingibang-bayan na.

ilan lamang ang usapin ng kawalan ng mahusay na grassroots program ang bunga ng maruming pamamahala at bulok na sistema ng gobyerno. waldas ng pera at nilalagay sa bulsa ng mga walang kaluluwa ang perang pinaghirapan ng bayan na sana’y nakatulong na sa isang batang manlalaro ng tennis mula sa naga upang makabili ng raketa o anumang mga gear o para sa training ng isang koponan ng mga batang football player sa dumaguete. repleksyon nga raw sabi ng mga thinktank ang husay ng isang bansa sa larangan ng palakasan at ng kaunlaran nito.

kaya naman, sa kasalukuyang gobyerno, papanagutin ang mga mandarambong sa bayan. bilang parusa sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan, gawin silang pampalitada sa oval ng track and field o di kaya ay target ng mga archers! puwede ring talunan ng mga basketball players o kaya ay target ng mga shotput o javelin throwers. kapag kailangan ng punching bag ng mga boksingero, mga mukha na lamang ng mga sangkot sa kung anu-anong iskandalo ang ipagamit. maski man lang sa paraang ito, makabawi ang taumbayan.

No comments: