Friday, November 15, 2013

yolanda

may kabagalan nga sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong yolanda. maraming lugar na naapektuhan ang magpahanggang ngayon ay di pa nararating ng anumang tulong mula sa gobyerno. may mga ilang lugar na tanging mga brodkaster pa lang ang nakatutuntong pagkatapos manalasa ni yolanda isang linggo na ang nakararaan. maraming lugar ang wala pang suplay ng malinis na tubig at ni hindi pa nalilinis ang mga basura at kawasakang iniwan ng bagyo. ang mga sinawimpalad ay nagkalat pa rin sa kalsada at ni hindi mailibing ng mga naiwang kamag-anakan dahil sa kawalan ng pagkukunan ng suplay.


malinaw na marami ang nangangailangan, marami ang pangangailangan at maraming kailangang gawin. ngunit hindi ito ang panahon upang magbato ng mga sisi at mambatikos. hindi ito ang panahon upang ipangalandakan ng marami sa social networks na may ginagawa sila at walang anumang hakbang ang gobyerno. walang puwang sa mga ganitong panahon ang mamuna sa kung ano ang di ginawa bilang bahagi ng preparasyon bago pa naman dumating ang bagyo at kung ano ang dapat na ginawa ng gobyerno pag-alis na pag-alis ng bagyo.

sa mob mentality ng karamihan ng gumagamit ng social networks, napakadaling sumabay sa agos at dagli-dagling magkongklud na walang ginagawa ang mga kinauukulan. ngunit dapat maintindihan ng mga tao na nabigla ang lahat. sa kabiglaanan ay naging mahirap ang pagresponde sa mga pangangailangan. maging ang mga taong inaasahan ng mga mamamayang mamuno at umariba sa pagtulong sa kalakhang nasalanta ay biktima rin ng kalamidad. maging ang mga nasa katungkulan ay binaha rin gawa ng storm surge. ang mga may responsibilidad na magmobilisa at magpanatili ng kaayusan ay nangamatayan din at nawalan ng ari-arian. walang pinili ang delubyo at dahil dito, kinailangan ng dalawang araw bago naibalik ang pamunuan sa mga nasalanta.

marami rin ang nagsasabi na walang anumang episyenteng paraan ang ginawa ng pambansang gobyerno upang tumugon sa pangangailangan. nauunawaan kaya ng mga walang magawang ito ang katotohanang nawasak ang mga paliparan, lahat ng daungan ay puno ng mga labi ng destruksyon. pinaralisa ng bagyo ang komunikasyon at sinira ang anumang imprastraktura. di madaraanan ang mga kalsada dahil sa nagbagsakang mga poste at punungkahoy. dahil sa destruksyon, maaantala talaga ang anumang pagtugon sa pangangailangan. ilagay mo pa rito ang natural na porma ng heyograpiya ng bansa. hindi nakakabit ang kabuuan ng mga lugar na ito sa mainland kaya’t talagang malaking hamon kung paanong higit na mabilis na makararating ang tulong mula sa manila.


hindi rin maaaring ikumpara ang pilipinas sa japan sa mga ganitong sitwasyon. pulo-pulo nga ang pilipinas habang ang naapektuhan ng tsunami at lindol sa japan ay nasa pangungahing pulo ng bansa. higit na importante, di singyaman ng mga prefecture ng japan ang mga lalawigang nasalanta ni yolanda. ang ilang mga munisipalidad sa leyte at samar ay may tig-iisang ambulansya lamang o ni walang anumang industriyal na backhoe na maglilimas sana ng mga debris sa mga kalsada. ang isang fourth o fifth class na munisipalidad ay walang kakayahang magtayo ng mga temporaryong silungang tulad ng sa japan. kung sa japan ay posibleng maisaayos ang nasirang kalsada sa loob ng dalawang araw, sa pilipinas hindi ganoon. maging ang pinakamayamang bansa sa buong mundo, ang estados unidos, ay nakaranas din ng ng pagkaantala sa paghahatid-tulong sa mga nasalanta ni hurricane katrina. estados unidos na ‘yun... ano pa kung pilipinas?
  
madaling sabihin na madali lang naman ang paghahatid-tulong. pero hindi ito ang reyalidad. may suliranin sa lohistika at napakaraming balakid at dawag sa daan at kakailanganin pa ng ilang araw upang maisakatuparan ang layon na marating ang bawat sulok ng dinaanan ni yolanda. imbis na manisi at mangalampag ng walang wawa, ang higit na kailangan ay makibahagi. tumulong sa iba’t ibang paraan upang maging kapaki-pakinabang sa higit na malaking larawan ng pagbibigay-tulong sa mga nasalanta. maraming paraan at hindi nito parte ang magngangawa sa facebook at twitter. gamitin ang facebook at twitter upang magpahatid ng impormasyon sa mga tao kung paano makatutulong at kung paanong magpahatid ng inyong tulong. gamitin din ang internet sa makabuluhang bagay tulad ng mga fund raising activities at samu’t saring gawaing makalilikom ng salaping di lang para sa agarang tulong ng pagkain at tubig kundi maging sa rehabilitasyon ng mga paaralan, ospital, kalsada at iba pang imprastraktura sa mga darating na buwan. pagkaraan ng ilang linggo, kung saan maayus-ayos na ang kalagayan ng mga tao sa evacuation centers, kakailanganin din ng mga boluntir upang i-counsel ang mga biktima ng bagyo o di kaya ay tumulong sa pagsasaayos ng mga klasrum o tumulong sa mga guro na muling buuin ang mga silid aklatan at marami pang iba. 

sa panahon ng social networks, ang bawat matatalim na salitang binibitiwan ng isang iresponsableng gumagamit nito ay tila isang punyal na makapagpapababa maski ng morale ng mga mismong tao na nasa tacloban at iba pang mga lugar. suportahan natin ang mga magigiting na tagapaghatid ng agarang tulong, maski ang mga namumuno sa operasyong ito. di biro ang kanilang sinusuong sa araw-araw dahil bukod sa pisikal na hirap ng pagkakawanggawa, bitbit din nila ang bigat sa dibdib na makita mo ang iyong mga kababayan sa kaaba-abang sitwasyon. hindi simpleng problema ang ating kinakaharap dito.

dapat na kaakibat ng ating paghahatid ng donasyon at tulong ay ang pang-unawang di madali ang prosesong ito gaya ng ating iniisip. pang-unawa at umunawa sana ang marami.   

No comments: