Friday, December 5, 2008

post-it

malimit na sahog ang tema ng pagpanaw sa mga pelikulang pinoy. ngunit ang paghalaw dito ay lagi lamang palabok sa pagtalakay ng pag-iibigang masalimuot o di kaya'y katatakutang sa mga kakatwang pelikula. maliban sa pahiram ng isang umaga ni ate vi, itong 100 ang isa sa mga huling pelikulang uminog sa kamatayan. direkta nitong inilahad ang istorya ng isang babaing sa gitna ng kanyang matagumpay na karera ay dinapuan ng kanser at may halos 3 buwan na lang itatagal sa mundong ibabaw.

bago ang talakay ng pelikula, walang mga pang-soap operang matitinding iyakan. malimit ang mga nakatatawang hirit mula sa mahusay na si eugene domingo. ang kemistri sa pagitan ni eugene at mylene dizon ang isa sa mga bagay na nagdala ng pelikula. bagamat uminog na lamang sa mga post-it ang nalalabing buhay ni joyce, pinilit niyang gawin ang mga nararapat, ang mga hilig ng katawan, ang mga di pa nagagawa tulad ng paliligo ng hubo't hubad sa dagat at pagkain ng sangkatutak na sorbetes at krispi pata. maging ang balikan ang lipas ng pag-ibig ay sinubukang gawin ni joyce, pero may isa pa palang sorpresa ang buhay sa kanya, pari na ang kanyang unang lalaking minahal!

matagumpay ang 100 sa paglalarawan ng kontemporaryong mga karakter: si joyce ay tipikal na yuppie, nagyoyosi, may masalimuot na lablayf. si ruby na di kagandahan ay nakapangasawa ng isang 'kano, tipikal ding nangyayari sa ngayon at nagiging tampulan ng tukso dahil sa kanilang pagiging "exotic". dahil sa direktang lapit ng pelikula, maaaring di malugod ang karamihan sa pinoy na manonood, pero ang tuwirang personal na karanasan ng bida ay makapupukaw ng damdamin na muling suriin ang bawat balakin sa buhay dahil maikli nga lamang ito at maaaring huli na ang lahat bago mo malirip ang tunay na dahilan ng iyong paglagi sa mundo.

maayos ang kabuuan ng pelikula, kaya nga siguro nanalo ito ng maraming parangal. pero kailangan pa ring tutukan ang teknikal na aspeto. maraming eksenang madilim, lalo na ang mga eksena sa hong kong. kulang ang pag-iilaw, marahil dahil sa maliit na badyet. madalas sa mga aspetong teknikal pumapalya ang mga pelikulang indie at hindi ito naiwasan ng 100. medyo mahaba rin ang pelikula, mas maigi siguro kung iniklian ang mga piling eksena.









No comments: