Tuesday, December 16, 2008

lipat-bahay

sa wakas, nakasumpong din ako ng mahusay-husay na lugar kung saan ako maaaring manirahan pansamantala. nitong mga nakaraang araw, naaalarma na ako kung saan ko dadalhin ang sangkatutak na mga abubot sa lumang bahay na naipon sa mahigit 8 taong pagtigil namin sa macabulos. ngunit, inalihan pa rin ako ng buwenas at heto, may bahay na akong lilipatan.

sakripisyo. abut-abot na sakripisyo ang inabot ng katawan ko sa pag-iimpake ng lahat ng mga kagamitan. kailangang iimpake lahat ng gamit; tupiing maayos ang mga damit at ilagay sa mga bagahe, ayusin ang sangkaterbang babasahin, ihiwalay ang mga patapon at ihilera ang maari pang pakinabangan. at hindi roon nagtatapos... kailangang ibaba ang mga ito sa sala (harap ng telebisyon), nang sa gayon ay maiayos ang naglulumaking sofabed, maihanda ang lahat ng dadalhin para sa paglisan.

pagkatapos ng makabaling-gulugod na prosesong ito, sa tulong ni manong minyong, nakahanap ako ng mauupahang pampasaherong dyip na magkakarga ng lahat ng bagahe patungong san antonio village. siyempre, kailangan din ng mga taong magbubuhat ng mga ito! sa halagang 200, nakakuha rin kami ng 2 lalaking tagabuhat. sa kabuuan, 700 ang nagastos ko para lang maglipat ng mga gamit.



















pagkaraang maipasok ang lahat ng gamit sa bago kong yunit, hila rito at tulak doon ang inatupag ko. ito ay upang isaayos naman ang magiging kaangkupan ng mga gamit na ito sa pahabang porma ng yunit. naokupa na halos ng sofabed ang kalahati ng yunit, kung kaya't kailangang maisalansang maayos ang iba pang mga gamit. wala pa rin akong bagong kabinet, kung kaya't lahat ng damit ko ay nasa mga bagahe pa. pero kahit na halos alas-onse na ng gabi, napakarami ko pa ring gamit na kundi nasa kahon pa ay naka-plastic pa rin. siguro, kailangan ko pa ng higit 1 linggo bago tuluyang maipirmi ang mga bagay-bagay.


bukod sa magastos ang paglipat ng bahay, sadyang nakauurat ang buong prosesong ito. sa araw ko lamang na ito naramdaman na tila nais nang humiwalay ng gawing ibaba ng likuran ko mula sa aking pinakakatawan, dahil sa buong araw na pagtuwad at pagsasaayos ng mga gamit. nagkaroon tuloy ako ng bagong paghanga sa mga kargador dahil sa kanilang sipag at tiyaga, dedikasyon sa nakapapagal na trabahong ito. dahil sa kapal ng alikabok, nangangati rin tuloy ang leeg ko. di kasi masyadong madalas ang paglilinis namin sa macabulos, kung kaya naman ganoon na lamang ang bangis ng mga alikabok na ito. di pa ito ang wakas ng sagang ito. napakarami pang kailangang bilhin upang maging ganap ang pagtigil ko sa bahay na ito. ilan dito ay gasul, mineral water, tabagan ng mga sabon at kung anu-ano pa. matapos ko kaya ito? uunahin ko pa ang pamimili ng mga regalo! at siyempre, kailangan ko ring masanay sa bagong pamayanang aking gagalawan, makahanap ng mura-murang kainan, sumakay muli ng traysikel araw-araw... dami pa!

No comments: