Tuesday, December 9, 2008

syaping

n'ung nakaraang taon, pakiramdam ko mayaman ako. maraming bonus. tumaas ang sahod ko dahil sa pag-angat ng posisyon. maraming lakbay ang ginawa namin. at wala akong utang. kaya naman, di pa nangangalahati ang disyembre, halos kumpleto na ang listahan ko. at dahil din sa pakiramdam kong marami akong pera, abut-abot ang taas ng halaga ng regalo ko sa bawat isa sa aming pamilya. havaianas para sa mga ate ko, pantalon sa ilang pamangkin at kapatid, pitaka at kung anu-ano pa.

2008. krisis. walang umento sa sahod. walang bonus maliban sa nasa batas na 13th month pay. sabi ng kalendaryo ng mga intsik, masuwerte raw ang bilang 8. pero hindi ito naramdaman n'ung 2008, lalo na ng huling semestre. kaya naman, hanggang ngayon, ni wala pa akong regalong nabibili... maliban sa mga maliliit na bagay para sa aking mga ka-aydisi. nag-divisoria kasi kami ni liezl nitong nakaraang linggo, kung kaya't nakapulot na ako ng maaaring ibigay sa mga katrabaho ko.

dahil sa krisis, bababa rin ang badyet ko para sa regalo ngayong taon. tapat na ang halagang 300 para sa bawat isa. di maaaring lumagpas dito, kundi kakapusin sigurado. kailangan na lamang na siguraduhing swak ang bawat regalo sa bawat isa. bagamat "it's the thought that counts", pakiramdam ko nararapat pa ring pag-aksayahan ng oras ang pagpili ng bawat regalo. sa gayon, maging mas matimbang ang medyo "mumurahin" kong mga regalo sa taong ito. eniwey, ang pasko naman ay hindi pinagdiriwang dahil sa kung ano mga nasyaping mo o hindi. kundi sa pagsasama-sama ng pamilya, lalo't higit sa panahong kailangang mamaluktot ng todo. haaay, pasko 2008! (",)

No comments: