lima lang kaming natuloy dahil bumak-awt na si madam na abala na sa ibang bagay (pag-ibig!)! ngunit, masaya ang naging lakad namin. walang isyu, walang mabigat kasama, walang anumang diskusyon -- libangan lamang sa ubod ng ginaw na sagada.
si dad, ako, mabel, peds at therese ay umalis ng florida station sa espana ng mga bago mag-alas onse ng gabi. nakarating kami sa banaue ng pasado alas-7 ng umaga, bumili muna ng tiket pabalik ng maynila bago umupang muli ng sakay sa dyipni patungong sagada. 400 pesos ang pamasahe mula espana hanggang banaue, 300 pesos naman mula banaue hanggang sagada, kasama na rito ang apat na beses na tigil upang makapag-piktyur sa mga kaaya-ayang mga tanawin. kaiba sa unang punta ko sa sagada noong 2007, higit na maayos na ang kalsadang nagdurugtong sa banaue at sagada. sa pagpasok na lamang ng bontoc ang karamihan ng mga baku-bakong daan, ngunit may palatandaan pa rin ng mga pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng lansangang-bayan. abut-abot ang ginaw dahil naka-shorts lang ako at tanging manipis na jacket ang dala, ngunit sadyang iba ang halina ng bulubunduking lalawigang ito na kahit ang pinakasimpleng lumpiang gulay ay may kakaibang linamnam. marahil dahil sa kamurahan nito (limang piso lang), sariwang mga sangkap, at ang halos nagniniyebe ng simoy ng hangin.
tumigil kami sa hagdan-hagdang palayan ng banaue at bay-yo, bago tuluyang makarating sa tinuluyan naming george's inn sa sagada. kumain kami ng tanghalian sa pinikpikan, kung saan ipinatago pa namin ang natira sa sangkatutak na pancit, hapon ay dumayo kami sa kiltepan. pagkaraan nito ay lakad-lakad patungong echo valley at hanging coffins, bago tumuloy sa underground river at matangquib cave. isang tungga ng mainit at maasim na lemon tea at isang hiwa ng lemon pie sa lemon pie house ang tumighaw sa aming pagod mula sa matalahib na paglalakad. barbikyu at fishballs ang sumunod na istasyon, bago tuluyang lumimlim sa yoghurt house para sa hapunan.
mahaba ang araw na ito, ngunit pinangako kong susubukan kong magtrabaho sa gabi kaya't dinala ko ang aking laptop. tulad ng maraming gabi, di rin ako nakapagtrabaho. bagkus ay maagang nagpatianod sa lambong ng gabi sa sagada at tuluyan nang natulog kahit nag-inuman pa ang apat kong kasama. salamat kay dad at mabel sa ibang mga piktyur. (",)
No comments:
Post a Comment