Thursday, September 6, 2012

tito sotto

gaano ba kahirap mag-attribute? kailangan ba nito ng sangkaterbang punyagi para maisagawa? ang maikling sagot, hindi. maraming paraan upang banggitin ito sa isang talumpati o artikulo, lalo na ngayong di na uso ang footnote. di rin porke tinagalog mo na ay iyo na ang ideya sa likod ng mga salita ng ibang tao. kailangan pa rin ng tamang atribusyon.
 
dalawang bagay lang ang pinatunayan ng muling pangongopya ng senador na si tito sotto. una, ang mga tao sa likod ng kanyang mga materyales ay may katamaran at di pinagsasanggalang ang dangal ng kanilang amo. pangalawa, pangkomedyante talaga ang kapal ng apog nitong si tito sotto. sige na nga’t tinatanggap naman na talamak ang kopyahan sa kanilang mga talumpati sa senado. pero di niya dapat ito ipinagsangkalan upang disimulahin ang isyu ng pangongopya niya ng walang anumang atribusyon sa orihinal na may-akda. tapos na sana ang isyu kung maginoo siyang nagpaumanhin at muling itinuon ang pansin sa paglalahad ng mga patunay sa paglaban niya sa RH bill. pero hindi. arogante niyang pinangatawanan ang maling aksyon at minaliit pa niya ang mga blogger. ayon sa kanya, wala siyang kasong dapat harapin dahil wala namang batas na nagpapataw ng parusa sa pangongopya sa pilipinas.

di naman kabawasan sa laman ng talumpati o artikulo ang tamang atribusyon. sa katunayan, isa itong kasangkapan upang palakasin ang iyong argumento. pambansa ang kanyang podyum kaya’t dapat na isaalang-alang ang malalimang epekto ng ganitong aksyon. kung tunay itong matalino, inisip sana ni senador tito sotto na maging magandang ehemplo sa mga kabataang nasa mga paaralan pa upang iwasan ang madaliang remedyo ng direktang pangongopya para lang makapaghatid ng talumpati o sa sitwasyon ng mga estudyante, makapagsumite ng anumang proyekto o papel.

isa si sotto sa mga dahilan kung bakit mabigat sa loob kong tingnan ang aking payslip kada buwan. napakalaki ng buwis na kinakaltas sa akin, tapos isang mapagmalaki’t tagapaghatid ng mga maling impormasyon lang ang pagkakagastusan.

di naman nakatatawa ito sa eat bulaga. lalo na ngayon. patunay lang na walang wawa itong si sotto. buti ay di ko siya binoto magmula ng ako ay nagkaroon ng pagkakataong bumoto. [larawan sa baba galing kay fashionpulis]

No comments: