pumayat daw ako. dati-rati, ‘pag galing ako sa biyahe, tumataba ako eh. puro kain kasi. pero kakaiba ang dalawang linggong nagdaan. sabi ko nga di ba, parang isinusubo ko lang ang pagkain, mabilis na ngunguyain para mabusog agad at sa ganoon, makapunta na agad sa opisina o makabalik sa kung ano ang kailangan tapusin. napakadami kasing kailangang isipin, gawin at pakisamahan. ang dalawang linggo ng setyembre ay biyahe… di upang maghalo kahit paano ng kaunting aliw, kundi upang pagtiisan ang mandragora. tila wala na ang mga panahong aabangan mo ang bawat biyahe dahil bibigyan ka nito ng pagkakataong makakita ng mga bagong tanawin. ngayon, maski ang biyahe ay puno na ng kung anong ligalig.
salamat na nga lamang at may mga kaibigan akong tulad ni momi ruth at kay. kung hindi ko sila kinita, di ko na alam paano paliliparin ang isip ko mula sa matinding lundo. masasayang kuwentuhan at huntahan habang kumakain ng masasarap na pagkain. nag-ramen pa kami ni momi ruth sa orchard habang crepe at tsokolate naman ang aming kaharap nang makasama namin si kay sa esplanade. mga ganitong pagkakataon talaga ang aabangan mo.
pero sa 1803, wala na ngang anupamang aabangan. malinaw na talaga ‘yun. bagamat ok naman ang naging resulta ng mga usap sa mga tagabili, di na ito ang nais kong gawin. nasusulasok na ako sa asal at gawi ng mandragora. matanda na yata ako upang sakyan pa ito o sabihin sa sarili kong “ok lang ‘yan”.
hihintayin mo pa bang maging humpak ang pisngi dahil sa nakalalasong bungangkahoy? di na uy. tandaan, ang handog ng adyos ay bagong pintuang magbubukas para sa iyo. sulatin mo na ang bagong yugto.
No comments:
Post a Comment