Tuesday, May 21, 2013

kaibigan


sa dami nga ng taong maaari mong makilala sa paglalakbay-buhay, masuwerte ang sinumang makatagpo ng mga tunay at panghabambuhay na mga kaibigan. ito ‘yung mga kaibigang inilaan ng panginoon at ng tadhana na makilala mo sa tamang panahon, pinahinog ng panahon ang inyong malalim na ugnayan at kahit hindi kayo magkita nang madalas, kapag nagkita ay tila palaging kakakita n’yo lang noong isang araw. ito ang mga taong nakakilalala sa iyo ng lubusan, tumanggap sa iyong bawat kwirk at walang anumang bahid ng panghuhusga.

ito ‘yung mga taong laging magpapaalala sa iyo ng mga panahong di ka pa masyadong sigurado sa katayuan at sariling karakter. ito rin ang mga taong kasama mo sa mga gimik at lamyerda at karamay sa mga araw na abot langit ang kailangang isumite. iginawa pa nga ako ni pops ng framework para sa aking thesis habang nginarag ko naman si jake na mag-type ng mabilis para matapos ko na ang analisis at kongklusyon nito.
  

naging iba man ang mga tinahak na karera o umiba na ng estado sa buhay, may nakilala na ngang iba’t ibang grupo ng mga kaibigan at di na nga ganoon kadalas magsipagkita, alam kong may lagi kaming babalikan – ang aming pinagsamahan at ‘yung unang klik o lukso ng aming pagkakaibigan.

may kung anong galak sa aking puso ang dulot ng aking mga “bestest friends”. salamat po sa biyaya ng tunay na pagkakaibigan.

No comments: