Monday, June 20, 2011

rizal

salamat kay rizal, wala kaming pasok ngayon. 'yan lang siguro ang kabuluhan ni rizal sa karamihan ngayon. maging ako, ito ang sentimiyento ko (sa araw na ito)... dahil sa kanya, may mahabang wikend. makapaglalamyerda ang lahat, malayo sa trabaho at eskuwelahan. ngunit may halaga pa nga kaya si rizal sa panahong gaya ng sa atin?

bukod sa bahagi ng kurikulum ng hayskul na pag-aralan ang noli me tangere at el filibusterimo at may kaukulang isang sabjek sa kolehiyo tungkol sa buhay at mga gawa ni rizal, di na gaanong mababanaag ang impluwensiya ni rizal. puwede pa sa sangkatutak na mga kalsada, paaralan, liwasan o produktong ipinangalan sa ating pambansang bayani... ngunit sa labas ng mga ito, wala na. maaaring dahil sa patuloy na pagkuwestyon sa kanyang pagkabayani, na kesyo inisponsoran lamang ng mga kano ang kanyang pagiging bayani. pinili raw ng mga kano si rizal kaysa kay bonifacio dahil si gat andres ay maiinitin ang ulo at digmaan ang layunin. marami rin ang nagsasabing di dapat maging pambansang bayani ang sinumang di humawak ng armas upang palayain ang bansa, di tulad sa liga ng mga lider na gaya ni george washington. tinuligsa rin daw ni rizal ang mga layunin ni bonifacio tungkol sa himagsikan, kung kaya't inabandona rin daw ni rizal ang anumang may kinalaman sa pagpapalaya sa bansa.

anu't anuman ang mga kritisismo ukol kay rizal, di maikakailang pinukaw ni rizal ang pagniningas ng makabansang adhikaing palayain ang bansa sa kontrol ng mga espanyol. mismong si bonifacio ay nabigyang inspirasyon ng mga nobela ni rizal at walang maaaring kumuwestiyon sa pag-ibig ni rizal sa kanyang bayang sinilangan. at dahil sa mga ito, haligi si rizal ng pagbabagong-anyo ng pilipinas tungo sa isang nagsasariling republika. di man siya nakibaka sa pamamagitan ng rebolber, sumigla ang himagsikan dala ng kanyang panulat. sapat na ito upang ituring siyang pambansang bayani sa hanay ng mga magigiting na anak ng ating lahi.

malaking kontradiksyon nga raw ang mga pinoy - sensitibo, mabababaw ang luha't mahilig mang-ukilkil ng nakaraan. ngunit sa pambansang pagkakakilanlan at anumang mga bagay na may kinalaman sa pamana ng lahi, madali tayong lumimot. walang pag-aalinlangang magwaksi ng anumang walang tuwirang epekto sa atin, tulad ni rizal at kanyang mga adbokasiya at pagkukuro.

sa ganang akin, pinakamahalagang ambag ni rizal sa ating mga pinoy ay ang kanyang ehemplong patuloy na payabungin ang kanyang kaalaman, magpunyaging pabutihin ang sarili sa pamamagitan ng edukasyon, 'wag magpatalo sa dahas, banta o anumang balakid at taas-noong ipamalas sa mundo ang kanyang kakayahan. makarating man sa ibang lupalop, itinuro ni rizal na walang katulad ang buhay pinas at ipinagkakapuri ang pagiging pinoy. salamat, ka pepe.

No comments: