Monday, October 29, 2012

bokya

ito na ‘to talaga.


ilang linggo na nga (aktwali, ilang taon na!) ang pagmamaktol kong ito tungkol sa di na makatarungang istres na dulot ng isang bungang-ugat. natapos at lumipas na nga ang madugong setyembre. matatapos na rin ang oktubreng bagamat di sindugo ng setyembre, paminsan-minsan ay may kung anong bigat sa aking batok. at tila di na ito magbabago pa.

nagpupumilit naman ang bungang-ugat na uminspayr o magpasigla sa mga nananamlay. pero sadyang wala siyang anumang kasanayan pagdating dito. di mararamdaman ninuman na may tunay na pagtingin ito sa kapakanan ng mga tagasunod dahil na rin sa walang habas na panghihimasok nito sa lahat ng bagay at ang nakapagpapataas ng dugong paraan ng pagtatanong at pamamalakad. walang maliw ang panghahamon nito sa lahat. mas malala, pakiramdam niya ay magiging malapit siya sa mga tao sa pag-uusisa sa mga personal na buhay ng iba. pero hindi. lalo lang nagiging maliwanag na pakialamer(o/a) at tunay na may di maipaliwanag na kainipang nagaganap sa kanyang buhay bungang-ugat.

nitong umaga lang, may ideya na siya kung ano ang nais niyang mangyari pero namimilit pa rin ng suhestyon mula sa mga tao. para saan pa ang mga mungkahi kung buo na sa isip niya na ang gusto niya ang dapat mangyari? demokrasya kuno pero litaw na litaw na may bahid na ng pagkaamo ang hilatsa ng bungang-ugat. may kung anong iswager na ito kumpara dati noong may mas malaking tao kaysa sa kanya.

hindi ang walang wakas na istres at negatibong presyur mula sa bungang-ugat ang minithi ko sa karerang ito. batid kong magkakaroon ng presyur ngunit dapat ito’y nakakawing sa positibong uri. hindi ‘yung bawat kibot ay may salansang agad. di talaga magtataka ang sinuman na walang nakatagal sa kanyang galamay. sigurado akong maging ang mga kinukunsidera niyang malalapit ay sari-sari rin ang masasabi tungkol sa bungang-ugat.

nais ko na lamang makuha kung ano ang nararapat kong tanggapin. malamang ay di ito malaki o di kaya’y totalmenteng bokya. dedepende ito sa anumang balita sa miyerkules. anu’t anuman, hindi na dapat pang patagalin ang pagdurusang ito.

 ito na nga ito. ito na talaga.

No comments: