pagkatapos ng serye ng mga lindol sa ilang isla sa pacific ocean, sa christchurch, new zealand at yunnan, china, isang malakas na pagyanig ang naramdaman sa hilagang bahagi ng japan nito lamang alas-2 ng hapon (oras sa japan). nakasentro sa silangang bahagi ng tohoku, japan, 8.9 ang magnityud ng lindol na nagdulot din ng halos 20 pang mga sunud-sunod na pagyanig na tinatayang 5.5 ang magnityud. lumikha ang lindol ng higanteng mga alon, umabot ng 10 metro ang tsunami sa miyagi prefecture, kung saan inulaol ng rumaragasang tubig-dagat ang mga gusali, kabahayan at mga sasakyan, maging ang kabuuan ng paliparan ng sendai. ito na ang pinakamalakas na lindol na yumanig sa japan mula pa noong unang magkaroon ng tala sa lakas ng lindol, at ito ang pampitong pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng mundo.
sa ngayon, naglalakbay na ang tsunami paluwas ng teritoryo ng japan, patungong taiwan, pilipinas, indonesia, papua new guinea, australia, new zealand, lahat ng maliliit na pulo o kapuluan sa karagatang pasipiko, hanggang sa kanlurang bahagi ng hilaga at timog amerika. tinatayang higit na matataas ang along hahampas sa mga dalampasigan ng maraming pulo sa pasipiko... isang bagay na nakapanghihilakbot dahil sa baba ng lebel ng mga ito kumpara sa dagat.
sa pilipinas, pinagsisilikas na ang mga mamamayan sa baybaying-dagat sa lahat ng mga lalawigang nakaharap sa pasipiko. nawa'y sumunod sila sa utos ng pamahalaang lokal at lumikas sa mas ligtas na lugar, kaysa tuluyang lunurin ng kakaibang puwersa ng tsunami. iba na ang may sapat na kahandaan, kaysa bulagain na lamang ng tsunami at daluyungin ng kakaibang lakas ng inang kalikasan ang lahat sa paligid.
samu't sari na ang mga pagkukuro sa facebook ukol sa katastropiyang ito. may mga nagsasabing bahagi ito ng propesiyang malapit nang magunaw ang mundo. ang iba naman, maka-agham ang atake... nangyayari raw ang mga ito upang muling balansihin ng daigdig ang kanyang sarili dahil na rin sa kagagawan at kalabisan ng mga tao. anu't anuman, hangad kong sana'y umiwas ang anumang malaking pinsala sa pilipinas, sa tulong na rin ng taimtim na dasal.
No comments:
Post a Comment