Si Quezon at Ang Wika
Ni Erlinda R. Berdin
Ang dakilang pamana ng yumaong pangulo
Kalayaan ng bansa at wikang pilipino
Tagisan ng mga tabak at kalampag ng kampilan
Namayani’t nag-umugong sa bawat sulok ng Maktan
Bawat sugat na bulwakan kahuluga’y isang buhay
Na nabuwal o nalagas sa pagtatanggol ng dangal
Ang hinagpis ay kinuyom sa ubod ng mga dibdib
Ang panaghoy sa nasawi’y sinikil nang buong pait
Pinairal sa damdami’y nag-aapoy na pag-ibig
Sa pinuno’t karangalang hinding-hindi palulupig
At dumating ang panahong lumagablab ang himagsik
Hindi lamang sa pasigan kundi pati bundok… libis
Hindi lamang ang katawan kundi pati mga isip
Nasugatan at sumugat sa layuning ubod-tamis
Hindi sila nangabigo at sa gitna ng tagumpay
Nakabuo ng landasing tinahak sa kagitingan
Sumulpot ang mga Burgos, Gomez, Zamora’t del Pilar
Nagluningning ang pangalang… matunog na Jose Rizal
Di naglao’t umimbulog sa laot ng katapangan
Ang pangalang Bonifacio, Aguinaldo’t saka Malvar
Mga ilang panahon pa’y nangadama ng dayuhan
Sa ‘ting mga pilipino - kalayaa’y timbang-buhay
At nang mahawi ang lambong sa pisngi ng kalangitan
Nagliwanag ang pag-asang kay laon ding nadiliman
Sa ubod ng mga dibdib binunot ang mga subyang
Na lumikha niyong sugat… maghilom ma’y balantukan
Sa bunton ng mga guho, abo’t kurus sa libingan
Itinayo ang bantayog at ubod tibay na tagdan
Upang dito mawagayway bandila ng kalayaan
Unang-unang kinulayan sa dalampasigan ng Maktan
Kabansaan ay di ganap kapag kulang ang sagisag
Na patunay na tayo nga ay tunay ngang mapapalad
Kailangan ay pambuklod sa puso’t diwa ng lahat
Isang wikang ginagamit umiiral at laganap
Sa bisa ng katungkulang napaatang sa balikat
Ang pangulo nating Quezon ay lubusang nagsumikap
Pilipino’y itinakdang maging isang wikang panlahat
Nang mahawi ang isa pang sana’y sagabal sa landas
Salamat sa isang Quezon, quezong sa tungkuli’y masigasig
Ang suliranin sa wika’y dali niyang naigiit
Napasunod ang balana pagka’t dakila ang nais
Na ang bawat Pilipino’y sa wika’y magkalapit
At ngayon nga’y natupad na ang hangaring sakdal-dangal
Parang sulo itong wikang sa atin ay tumanglaw
Naglaho ang sarilinan, unawaan ay umiral
Ang agwat ng mga pulo’y nawalan ng kabuluhan
Kaya Quezon tanggapin mo itong aming munting alay
Isang pumpon ng bulaklak kalakip ang pagmamahal
Talulot ma’y mangalagas at maglaho pati kulay
Mananatili sa puso ang pamana mong iniwan.
No comments:
Post a Comment