Monday, November 21, 2011

nitpik

krisis ngang matatawag, ayon kay ma'am kr, ang paglipat na naganap. biruin mo namang ilang araw na lang ang nalalabi bago mapaso ang kontrata sa luma ngunit ni wala pa sa kalahati ang nagagawa sa bagong tanggapan. bukod sa walang kasiguruhan sa plano ng pag-aalsa balutan sa lumang gusali, wala ring mainam na alternatibo sakaling pumalpak ang maraming aspeto sa taguig.

literal at sadyang santambak ang mga aytem na kailangang aksyunan. sinuman ang makakita sa kalagayan ng espasyong ito noong huling linggo ng oktubre, titiwarik ang kalamnan at lilipulin ng ligalig at kabang di nga makapagtatrabaho ang mga indibidwal sa panahong itinakda sana. pagkasiphayo ang unang madarama sa sandaling masilayan ang dumi, alikabok, kawalan ng kaayusan sa isinasagawang konstruksyon. atrasado ang maraming bagay at tiyak na maaapektuhan ang trabaho ng lahat sa pulutong. malaking balumbon ang lahat ng mga katumbalikang ito sa mga magagandang bahagi tulad ng malaking silid kainan, nakatutuwang silid pagsasang-usapan at kabuuang modernong istilo.

kung kaya naman kailangang mangalampag at mag-ala hoy gising sa pamumuna at pag-asinta sa mga palpak, minadali, patse-patse at mababang kalidad na gawa. sa paghahanap ng kapintasa't depekto at sa matiyagang pagtatanod na dapat ay bigyang-pansin ang mga ito, unti-unting nako-krosawt sa listahan ang mga isyu, maliit man o ibayo ang saklaw. kung di ito ginawa ng makukulit na indibidwal, higit na malasado ang kalalabasan ng opisina at lalong mababalam ang normal na operasyon. sa laki ng gastusin sa punyaging ito, nararapat lamang na makuha ng kumpanya ang nararapat na serbisyo't kaukulang awtput na wala nang anupamang antala sa pagtakbo ng aktibidades.

ang pagsipat sa mga lisya at ngiwi ay di rin dapat tingnan bilang batikos sa mga taong may tuwirang tungkulin sa punyaging ito. nauunawaan ng bawat indibidwal na may mga isyung di talaga maiiwasan at mahahadlangan tulad ng kaartehan ng mga may-ari ng yunit. ang panunuri sa kinahihinatnan ng proyekto ay upang masawata ang iba pang kapalpakan at matugunan ang mga pagkukulang at sangkatutak na mali. mas maigi ang maraming matang nagmamasid at marami rin ang makapagbibigay ng mungkahi't fidbak. sa gayon, makapagkukrukis ng alternatibong paraan sa panandaliang panahon na di pa tiyak ang kabuuan at mapabatid ito sa buong pulutong.

di kaaya-aya ang maghinguto at sumuyod ng mga kamalian, kakulangan at kapalpakan ngunit kinailangan itong gawin. di ito ginawa sa layong mamuna lamang o manlait. di hantad sa akin ang walang kapararakang paghahanap ng mga kamalian at hangal o walang rason na pamimintas. ang kabuuan nito ay tinaguriang pamumunang mapagbuo. sa huli, iisa ang naisin nating lahat - maging maayos ang konstruksyon at pagyari sa bagong tanggapan. nang sa gayon, ang lahat ay makapagtrabaho na nang matiwasay.

No comments: