may
isang pulpol na nagpapalapad ng papel. wala
na yata itong maisip pa kung paano magiging mas makabuluhan ang kanyang
posisyon sa kabuuan ng organisasyon. di ako nagtataka kung bakit wala akong
naringgan ng magandang puntos tungkol sa matandang pulpol na ito sa dinami-rami
ng nakausap kong nakaupo sa singapura.
wala
itong nagawang anumang konkretong bagay upang ipagtanggol ang isang pinagmalabisang
tagasuri ng isang dragona. ni hindi man lang pumagitna sa pagitan ng dalawang
paksyon upang pagkasunduin o pagtiyapin ang di magkakadugtong na ekspektasyon. wala
siyang nagawa kundi tumiklop sa mas makapangyarihang impluwensya ng dragona. tumahimik
ito at hinayaang maisakatuparan ng dragona ang pagpapalayas sa mahusay na
tagasuri. para saan pa’t tinawag siyang pinuno ng pinagkukunang pantao?
nang
ang dragona naman ang napalayas, naiwan sa mga kamay ng kanong pulpol na ito ang
pamamahala sa paglilipat ng tanggapan. at naisulat ko na rin ang kapalpakang
naganap sa prosesong ito. nagtaingang-kawali kasi ito sa mga mungkahi ng mga
taong mag-oopisina sa ipinatatayo nilang tanggapan. kaya heto, palpak ang
marami – mula sa mabuway na mga salaming entrepanyo, walang kuwentang sawnd
prufing, nangungupas na karpet, palpak na lamesa sa silid kumperensya, at kung
anu-ano pa.
ito
rin ang indibidwal na nagpupumilit sa mga taong araw-araw na iuwi ang mga
laptop – kahit pa nga wala namang gagawin sa bahay. ang kanyang dahilan? para
raw makapagtrabaho ang mga tao sakaling bumaha at di na makapagbiyahe papuntang
opisina. kundi ba naman kakarampot ang utak nito at ignorante sa mga pangyayari
sa kamaynilaan... nagko-komyut ang lahat ng tao papunta’t pauwi, nakikipagsiksikan
sa mrt at mga bus. dagdag pasakit lang ang laptop ng opisina kung araw-araw mo
itong iuuwi.
ayon
sa mga taga singapura, ang isang ito ay isang bokyang indibidwal. unang pumasok
bilang tagasuri pero lagapak ang paggawa. di raw naiintindihan ang mga
metodolohiya at sadyang hindi swak sa trabaho dahil nga pulpol. inilipat naman
bilang tagabenta. at sa sinamang-palad, laglag ang benta at ni hindi
makapagpasok ng anuman. hanggang kinailangan nila ng magaling bumasa ng mga
dokumentong ligal... dito na nga nahanap ng kanong pulpol ang kanyang nitso. naatasan
na tuloy siyang maging puno ng pinagkukunang pantao, bumalangkas ng mga
muntaklat at pamunuan ang pamamahala sa mga opi-opisina.
ang
problema, hindi talaga siya pangpinagkukunang pantao. sadyang wala siyang alam
sa larangang ito dahil sa itinagal-tagal niya sa papel na ito, ang pagpapalayas
lang ng tao o ng mga indibidwal na redundante ang kanyang naiambag sa kumpanya.
nito ngang huli, bigla-bigla na lang umalis ang isang babaing pangpinagkukunang
pantao talaga. ito ay may 15 taon na sa larangang ito at humawak sa maraming
kaso ukol sa departamentong ito. pero ang sabi ng intsik na ito, ang dahilan
daw ng kanyang pag-alis ay “siya ay panghetch ar at ang dakilang pulpol ay
hindi”. hindi rin siya puwede sa pamamahala dahil wala siyang anumang kasanayan
sa serbisyong internal. kaya naman, abut-abot ang kapalpakan sa lahat ng bagay
na may kinalaman sa suporta sa lahat, mula sa paglalakbay, mga rekord na
panggobyerno, sa imprastrakturang pang-elekntroniko at kung anu-ano pa.
ang
pinakahuling banat ng pulpol na ito ay naging personal na. ang sabi niya sa
mandaragat ay ayaw daw niya akong nauupo sa sulok na ito. walang dahilang
ibinigay pero basta dapat ay wala raw ako rito. unang-una, nasubukan na ba
niyang umupo sa dinisenyo niyang partisyon? kapag umupo ka roon, direkta ang
ihip ng erkon sa lugar na ‘yun sa mga mata mo. manunuyo ang mga mata mo
siyempre at aatake ang matinding sakit ng ulo kung patuloy kang mauupo roon. malamang
kaysa hindi, lilipat ang sinumang nandoon. ano bang masama kung lumalagi ka sa
sulok? wala naman. sa paulit-ulit kong sinasabi, hangga’t may naiaambag ka sa
kumpanya at wala kang nilalabag na alituntunin, ang mga bagay na ito ay walang
wawa.
baka
siya dapat ang palayasin sa pinaghaharian niyang silid. may maganda pa siyang
tanawin, eh di naman siya nag-aakyat ng pera sa kumpanya. kapal ng mukha. sana’y
mawala na rin sa himpapawid ang buwisit na ito.
No comments:
Post a Comment