Thursday, August 9, 2012

lusong

halos apat na taon na ako sa san antonio village. dumaan si ondoy, makailang mga bagyo, maski pa ang malakas na buhos ng habagat pero di ko pa naranasang lumusong sa baha para lang makauwi sa aking yunit. hanggang nitong gabi ng lunes (agosto 6). perstaym kumbaga. unang pagkakataong kinailangan kong lumusong sa tubig-baha. wala raw bagyo pero grabe ang buhos ng ulan dahil sa habagat na hinihila't pinalalakas ng bagyong haikui sa bandang china.

galing ako sa trinoma para sa ika-63 bertdey ni papa. pahirapan ang pag-uwi namin nila ate joy dahil sa lakas ng ulan. buti na lang at nakasakay agad kami ng taxi sa ilalim ng mrt station. bumaba ako sa kanto ng boni at edsa pero wala namang taxi ang nagsakay sa akin pa-makati. inasahan ko na ang baha sa san antonio kaya nag-bus na lang ako. paglagpas ng pasong tamo, may mga sasakyan nang sumasalubong at bumabalik dahil malalim na ang tubig sa mayapis kaya bumaba na rin ako sa caltex. walang taxi na pumayag pumasok sa san antonio habang ang nag-iisang traysikel naman ay nananamantala't naniningil ng 150 para lang ihatid ako sa banuyo. jeep ang kinabagsakan ko. malalim din ang baha sa kanto ng pasong tamo at malugay pero sa babaan sa estrella, walang baha. di rin binaha ang kanto ng st. paul at estrella kaya buong akala ko ay may mga traysikel na bumibiyahe. pero wala. walang pumapasada kaya walang pagpipilian kundi lumakad. sa banda na ng tanguile, matindi na ang baha. hinubad ko na ang sapatos at medyas ko at nagsimulang maglunoy sa baha sa kanto ng estrella at sampaloc. abot hanggang tuhod ang baha at kahit na nga sa bangketa, lagpas pa rin ng bukungbukong ang baha. lumakad ako sa baha na mataas pa rin kahit sa santol at banuyo. mabuti na nga lang at may nakasabay akong pauwi sa banuyo, maski paano'y nabawasan ang magkahalong inis, pagod at awa sa sarili. kahit na nga medyo malinaw ang tubig-baha at walang halong putik o masyadong maraming basura, hugas agad ng paa at mabilisang ligo pagdating sa bahay. mahirap magkaroon ng sakit na dulot ng baha. 

iba na nga ang panahon ngayon. pagrabe nang pagrabe ang ulan at ang dala nitong tubig. kahit walang bagyo, mataas ang tsansang umulan ng matindi na tiyak na maglulubog sa kamaynilaan. maging ang mga lugar na di naman binabaha dati, lulubog na rin sa bagsik ng habagat.

kailangan ngang laging maging handa at alisto sa mga pangyayari sa kapaligiran. ang pag-iimpok ng mga pagkain, tubig at mga gamit tulad ng kandila ay kritikal din sa mga panahong tulad nito. siyempre, dapat ding may load ang cellphone upang sa panahon ng biglaang pangangailangan ay may pangkomunikasyon.

2 comments:

Joy Mendiola said...

gusto kong binabasa ang mga post mo kaso ang liliit ng font.

dyoobshvili said...

nilakihan ko na, ate joy. pero nalalakihan naman ako masyado, parang pang-elementary! subukan ko lang for the time being.